MGA NALILIGAW NA KATAWAN

 May mga dagling nanliligaw ng katawan, o naghahanap ng katawan, ng wasak na katawan at mga nabuong katawan sa kakaibang anyo. Tayo lang ang makahuhuli pansamantala sa anyo ng ating katawan bilang materyalidad ng ating kumakawalang kalooban. Mag-ingat, dahil walang pagpapaalala at walang sinasantong paghuhubad ito sa pagbibihis-bihisan at pagtatapis ng lipunan sa katawan.


--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

NA-ENGKANTO


"Tuloy tayo."


Nagkukumahog sa pagpindot si Red para mag-reply sa isang mensaheng nag-notify sa kanyang cellphone at dahan-dahang nag-swipe para mabasa ang mga naunang mensahe bago ang mga katagang bumungad sa screen.


Dali-dali siyang nag-impake ng mga damit. Ala-una i-medya na ng madaling araw. Isang pamalit na brief, t-shirt at extrang towel ang mabilis niyang isinuksok sa maliit na bag. Dinala niya rin ang pangontrang binili niya lang sa facebook market place. Naniniwala siyang iaadya siya nito sa alinmang mga hindi maunawaang palipad-hangin at usog na hanggang ngayon ay kanyang binibigyan ng puwang para sa posibilidad na mangyari.


Alas dos i-medya ang usapan nila ng katagpo. Katagpo na sa mga retratong hubad at mahalinang mukha lamang niya pinaniniwalaang totoo. Humahagibis ang dyip na sinakyan niya, tulad ng kung paano din siya umeskapo sa bahay sa alanganing oras. 


Dumating siya sa Cubao-Aurora na may 20 minuto pang agwat bago ang nasabing kitaan. Nag-yosi muna sa tapat ng Crest Hotel. Wala pa ring tugon ang kausap. Lumakad-lakad muna siya sa ibang kalyeng dumudugtong sa Aurora. Sinuong niya ang kalyeng Imperial. Napabili siya ng tropicana dahil walang gatorade, pampalipas ng oras at uhaw. Gutter sa tapat ng tindahan ang naging hintayan niya. Ngunit wala pa ring reply. Sunod-sunod at panay-panay ang tanong niya sa chat: "saan ka na?"





"Quarter to 3 na". Bigo pa rin siyang makatanggap ng reply sa kausap. "Ang sabi makakarating nang alas dos i-medya." Lumipat siya ng tindahan sa kalye pa ring iyon. Doon sa may lugawan, katapat ng di magkamayaw na night bar at mga budget hotel ang pakilala. Kausap niya habang naghihintay ang mga palamuti, ilaw, mga adbertismo na nakatambad sa kanya, habang paulit-ulit na hinihipak ang dalang vape. Pero bumili siya ng tatlong marlborong puti. 


Minumukhaan niya ang bawat magdaraan at bibili sa pinagtatambayang lugawan. Nagbabakasakali. Alas tres na at may lumabas na mga babae sa harap ng mga night bar. Tila nakalibre siya nang panonood ng show dahil sa pagsayaw-sayaw ng mga ito. "Happy hour pa lang pala." Nagsilabasan na rin ang mga call center agents dahil break time yata ng mga iyon. Napakarami nang mga tao ang nakatamaan niya ng siko na bumibili sa tindahan. 


"Kapag 3:30 na, bibili na 'ko ng cup noodles." Napakalamig at napakahaba ng magdamag na iyon para kay Red. Hindi kaya ng makailang yosi at vape ang dampi ng hangin at linggatong sa masidhing paghuhintay. Ngunit wala pa ring reply ang kausap.


Naubos ang cup noodles, seafood. Walang mainit para sa dila ni Red. Basta't lumalangoy sa bibig niya ang instant noodles at mainit na sabaw nito, okay na. Maibsan lang ang lamig ng mahabang magdamag na iyon. Napako na lamang ang titig niya sa tindera na kanina niya pa hindi hinaharap habang tamad na nilalantakan ang cup noodles. Balingkinitan at maliit, singkit ang mga mata nitong nagtatanong kung bakit kanina pa siya nakahambalang sa harapan ng lugawan. Sari-sari din pala ang mga tinda nila. Ngunit lutang ang isipan ni Red para silayan ang mga palamuting kanina pa nakatingin sa kanya.


"Alas-kwatro, mag-isa na lang ako." Desisyon niya sa sarili. Nauwi ang sanang madaling araw na byahe pa-Tagaytay sa walang katapusang paghihintay. 


Sumindi siya ng panghuling yosi, bago sipaging i-angat ang puwit sa kanina pang nagtitiyagang upuan. Sa unang buga ng sinindihang sigarilyo, may sumabay na usok din ang bumuga sa kanyang tabihan. Nasipat ng kanyang peripheral vision ang nahihiyang umupong dalaga na humihipak ng vape nito.


Sabay ang ritmo ng kanilang paghithit at pagbuga ng mga usok na nangungusap kung anong oras darating ang mga hinihintay. Tingin ito nang tingin kung saan-saan. Panay ang pagsulyap sa iba't ibang direksyon. Nagsasalimbayan din ang kanilang mga buntong-hininga. 


"Akala ko, ako lang ang naliligaw sa paghahanap ng direksyon." Pagkabato niya ng upos sa gutter, sa putik na lumawa dulot ng pag-ulan-ulan kagabi, napatingin sa kanya ang dalaga. 


Sinabayan niya ang titig nito ng mabilis na pag-alis sa kinauupuan. 


Buhay na buhay ang Cubao sa mahaba, at malamig na magdamag na iyon. Mukhang mahaba pa ang lalakarin ng pasensiya ng dalaga sa paghahanap ng direksyon. 


Pumara ng taxi si Red, at niligaw ang sarili pauwi sa inaasam na tahanan.



-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

NA-YANGGAW


Alas dos y media nang maramdaman ko ang pag-andar ng bus, katabi kong nakasandal at lasing na lasing pa si Eyah. Tahimik at maalwan ang byahe paakyat ng Baguio. Parang napakabilis, tulad nitong biglaan kong pagsabit kay Eyah, na di ko alam kung ano ang balak niya sa pagtakas na ito.

Disyembre naman, kumbinsi ko sa sarili para di na isipin ang gastos at pagod. At lungkot.

M a y/h u m u h u n i n g/s i s i w/s a/k a l o o b a n/n g/a s w a n g. N a g b a b a d y a/n g/p a p a r a t i n g/n a/g u t o m/a t/ n g/p a g p a n a w/n g/k a s i y a h a n.

Alas siete ang tapak namin sa Baguio terminal. Agad na inapuhap ng mga pagod pa rin naming katawan ang paghiga nang malaya sa mumurahing kama ng lodge na nasa gitna lang ng syudad. Alas dos ng hapon kami bumangon para tugaygayin ang mga palasak nang daanan sa Baguio, hinahanap ng mga katawan namin ang maiaalok ng Baguio. Nag-Baguio para mag-KFC? mag-SM? Biro ni Eyah

Gabi nang mas nakita pa namin ang ibang mukha ng Baguio. Kahit sino talaga, aakyat sa Baguio para sa estetik nito at romantisismong anyaya nito (a.k.a. Night Market). Niregaluhan ko siya ng scarf na siya ang dumampot sa isang stall. Mag-a-alas cuatro nang tapusin namin ang magdamag pagkapatumba ng tig-dalawang bote ng alak sa isang tagong bar malapit sa Session.

M a y/m g a/
a s w a n g. M a i i n g a y/a n g/m g a/h a l i n g h i n g a n. N a g s a s a g u t a n/s a/p a g l a n t a k/s a/i s a ' t/i s a. B i n u b u s o g/a n g/i s a 't/i s a/n g/i s a ' t/ i s a.

Pagbalik ko sa kwarto ko para ilagom ang unang araw, di ako agad nakatulog dahil sa ingay sa katabing kwarto, kung saan katabi rin ng kwarto ni Eyah. Napapagitnaan namin sila, pero napakalakas ng pwersa nila para idiin ang mga sarili naming inaantok at pagod na mga katawan. Buhay na buhay sila. Buhay na buhay ang kanilang mga katawan. Nilalapa nila ang katahimikan ng agaw-liwanag.

Pagsapit ng tanghali ng Sabado, nalaman kong di rin pala agad nakatulog si Eyah dahil rin sa naririnig niyang makapanindig-balahibo at kakaiba. Pero sa tahimik naming mga diwa, pareho kaming makasalanan sa ginawang pakikinig at pakikiisa sa mga nagtatalik na hingal at hininga ng kung sinoman ang mga nasa kwartong iyon. Estranghero sa mga katawan namin at ulirat ang nangyayari. Nagsasagutan ang paglamutak, ang pagkain, ng di mabusog-busog na pagnanasa, sa kasuluk-sulukan ng lamig ng Baguio.

Marami kaming dinaan nitong sumunod na araw. Isa na rito ang Mt. Cloud Bookshop. Bumili kami pareho hindi ng libro kundi ng postcard. Hindi ko alam, nakibili na rin ako. Ipadadala niya raw sa sarili niyang address. Ako, ipinakita kong di ko pa sigurado kung kanino ipapadala kaya itinago ko muna ang akin. Pero sigurado ako, sa kanya 'to mapupunta. Bakit sa kanya?

Naging pahingahan namin sa mahabang paglalakad ang Botanical Garden, at napag-tripang magpalipas ng dapithapon sa Diplomat Hotel, ang bias kong puntahan sa Baguio. Dapithapon, ang akala namin. Pero paatras ang dapithapon, papasimula pa lang ang gabi? o ang araw? Hindi ko na mahuli ang oras. O ayaw nang magpatali ng panahon.

Nagpalipas kami ng hatinggabi sa isang karaoke bar inn sa sulok ng Dangwa Terminal. Mas dito ako nakakita ng mga lokal. Nagpapainit ng mga katawan sa gabi ng isang nakakapagod na Sabado. Walang humpay ang kantahan at inuman. Kakaiba rin ang mga pulutan doon, mga di ko kilalang uri ng karne. Mix-mix ang inorder namin dahil wala ang balak naming tikman na pinuneg. Parang bistek ang pulutang ito sa lasa, na nagmamantika ang mga sarsa at malutong sa bibig na naghahalo-halo ang laman-loob. Nag-uumpisa nang uminit ang katawan ko sa pagkain at paglamutak. Si Eyah, inayawan na ang pulutan at lumantak ng maning tingi-tingi. Habang salitan naming pinadadausdos ang alak sa lalamunan, paisa-isa ang mga salitang lumalabas sa bibig namin. Tagay pa!, saad ng isang lokal habang hawak ang mikropono. Hindi kami magkarinigan, pero naririnig namin ang mga buntong-hininga ng isa't isa. Hindi ko alam ang tiyak na nasa isip ni Eyah habang nangungusap ang mga titig niya, at ang tangi kong naisasagot para sapuhin ang titig ay pagbato rin ng aking titig.

M a y/a s w a n g. T a h i m i k/n a/n a n g u n g u s a p/a n g/m g a/t i t i g/s a/t a o n g/k a h a r a p. N g u n i t/h i n d i/m a k a l a p i t/a n g/i s a/s a/i s a. N a g p a p a u b a y a/a n g/i s a/s a/w a l a n g/k a b u s u g a n g/s i s i w/n g/k a l u n g k u t a n/n i t o. W a l a n g/s i n a s a y a n g/n a/p a n a h o n/a n g/i s a/ p a r a/i t a l i k/a n g/i s a/s a/p a m a m a g i t a n/n g/p a g s a s a l o/n g/k a n i l a n g/m g a/l a w a y/s a/n a k a h a p a g/n a/p i s t a/n g/l a m a n - l o o b.

Eksaktong alas-dose ng Linggo, bumalik na kami sa lodge.

A n g/t a n o n g/ s i n o/s a/k a n i l a n g/ d a l a w a/a n g/a s w a n g? S i n o/a n g/n a g t a t a n g k a n g/m a n g - y a n g g a w?/K a i l a n g a n/b a/t a l a g a n g/m a t u k o y/a ng/i s a/s a/i s a ?/ H i n d i/b a' t/p a r e h o/n a m a n/a n g/l i n g g a t o n g/n g/k a n i l a n g/m g a/n i l a l a m i g/n a/k a l o o b a n?

Eksatong ala-una, isinuksok ko sa pintuan ni Eyah ang postcard na binili kanina, na may "simpleng sulat-kamay na mensahe" at sketch niya.

Mahimbing ang tulog ni Eyah. Hindi ako makatulog,pero kailangan naming gumising ng alas-cuatro para habulin ang byahe pa-Northern Blossom.





M a y  a s w a n g. H i n d i/i t o/m a t a h i m i k/s a/p a n g a n g a l m o t/n g/s i s i w/n g/w a l a n g/k a s a g u t a n g/k a l u n g k u t a n.


Pero
hindi ko talaga sigurado kung nakatulog na si Eyah (agam-agam kung nakita na ba niya ang postcard?). Ako naman, sa loob ng madilim kong kwarto ay hindi mapakali at paikot-ikot na ikinakaskas ang katawan sa malamig na kumot at higaan. Parang may gustong iluwa ang sikmura ko. Parang may nagrerebolusyong di maunawaan na estrangherong nilalang. Nasa kabilang pagitan lang naman ang kwarto ni Eyah, pero parang napakalayo niya (gusto ko siyang kausapin, pero 'wag na lang). Maraming huni ang di ko maunawaang patuloy na kumukutkot sa aking sentido. Huni ng hindi makawalang damdamin, na matagal nang ikinubli at pilit na isalin. Isasalin? Ano ang kahulugan ng damdaming ito? Gaano na ba ang lalim ng pagkahulog na ito?

Bigo kami sa balak na pumunta sa Northern Blossom. Wala palang byahe doon kapag Linggo. Nagpasya kaming hintaying magbukas ang Good Taste na malapit sa terminal. Tahimik pa rin kaming nagpapalitan ng buntong-hininga sa nasayang na paggising nang maaga. O gumising ba talaga kami pareho? O hinintay lang na lumipas ang nangangalmot at marahas na lamig ng magdamag

Tanghali ang iskedyul ng bus ticket namin pababa sa Maynila. Huling sinulyapan namin ang Burnham, na napakaraming tao ng umaga na 'yon. Hinuhuli pa rin ni Eyah ang tulog kahit sa parke. Di ko naman maintindihan ang nangyari sa buong gabi. May nagbago. May nagpalit-anyo. May naisalin, na ano? May nangangain ng loob. May kumakawalang-loob. Bumabaliktad ang panahon kung kailan gising at kung kailan tulog, at kung kailan pagod at gutom. May kung anong hindi ko mahanapan ng tiyak na salita, at hindi maihulog sa tiyak na pupuntahan.

Mas lalong natahimik ang buong byahe namin pababa sa Maynila. Tulog na tulog siya habang ako ay nagtutulug-tulugan, at di pa rin matahimik dulot ng mga nanlalapang huni sa ulirat. Kinakain ako mula sa loob ng kung anomang nilalang. May nabuong nilalang sa aking sikmura. Ikinubli ko ang sarili sa jacket sa buong byahe para takasan ang mahabang katirikan-ng-araw.

Pagtapak sa Maynila, hindi ko talaga tiyak kung nakatapak ako. Pakiramdam ko, naiwang mag-isa sa Baguio ang kalahati ng pagkatao ko, hinahagilap ang kung anomang nakahahawang sumpa, (o hinahagilap ang kung anong nawala at natapos) at pilit na inaalam ang sagot sa likod ng mga huning nangangatok sa katahimikan ng natutulog na damdamin

Nagpasalamat si Eyah sa pamamagitan ng pagyakap bago paharurutin ng Angkas rider niya ang motor nito. Huling sulyap ko sa kanya ay bago siya lamunin ng nagmamadaling kilos-trapiko ng Maynila.

Sa taxi mas
lumakas ang pagwawala ng sisiw sa aking kalamnan. Sa pagtingin ko mula sa bintana ng taxi, bumuhos ang kanina pang nagkikimkim na ulan, na kahit sino ay di magagawang makapagtago at makasilong.

S i n o/a n g/a s w a n g?/ T a h i m i k/n a/n a k a l i g t a s/a n g/t a o/s a/p a g t a t a n g k a/n g/a s w a n g/n a/m a n g h a w a/n g/s u m p a/n i t o. T a h i m i k/d i n/i t o n g/u m a l i s/n a n g/a m i n i n/
n g/a s w a n g/a n g/w a l a n g/k a t a p u s a n g/g u t o m/n i t o/s a /k a s i y a h a n/ a t/p a g h a h a n g a d/n a/ d a g i t i n/a n g/k a n i y a n g /k a m a y.

Pagkababa ko ng taxi, agad kong pinunasan ang namumugtong mga mata. Binalot din ako ng lamig ng sumasalubong na hangin ng gabi. Nagsisimula na namang magpanibagong bilog ang buwan at malapit nang magtuklap ng balat ang taon. 

G a a n o/ n a / n g a/ b a/ k a l a l i m/ a n g/ g u t o m/ n g/ s i s i w/ a t/ n g/ p a g t a r a k/ n g/ m g a/ k u k o/ n i t o/ s a/ k a i b u t u r a n/ n g/ a s w a n g?


-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

NA-USOG


"Ilang taon ka na?"


"Mag-18 pa lang po Sir ngayong paparating na buwan."


"Ah."


Nakipagkita ang bagitong estudyante sa isang manunulat para humiram ng mga libro. Akala niya ay sa Monumento na iaabot ng manunulat ang hinihiram, ngunit niyakag siya ng manunulat papunta sa kanilang bahay.


"Kumain ka na?"


"Di pa nga po, eh."


"Ako rin."


"Pwera usog po."


"Naniniwala ka pala dyan?"


Mabilis nilang natunton ang bahay ng manunulat. Apartment na may tatlong palapag ito sa Kalookan, at nasa rooftop ang silid nito kaya nakibati rin siya sa mga nadaanang mga residente sa bawat palapag. Dalawa ang silid sa rooftop, at doon sila pumasok sa naunang silid. Kagyat na pinaupo ang bagito sa kama nito habang hinahalungkat ang mga lagayan nito ng mga aklat. Isa-isa ring pinakita ng manunulat ang mga koleksyon niya sa bagito, at namangha ang bagito dahil mahilig din ito sa horror. 


"Heto, ingatan mo 'yan. 'Wag Lang Di Makaraos ni Eros. Solb ka dyan."


Tila sumakit ang tiyan ng bagito at napansin ito ng manunulat at tinabihan ito ng pag-upo sa kama. 


"Nausog yata kita. Taas mo t-shirt mo, lalawayan kita sa tiyan."


Dinilaan ng manunulat ang dalawang daliri nito at inilapat sa tiyan ng bagito. Nakatatlong ulit. Sa pangatlong ulit ay pinaikot-ikot na nito ang mga daliri sa paligid ng pusod ng bagito. Lampas na sa tatlong ulit. At umulit pa ulit. Umuulit. Hanggang sa


Nanlalatang sumampa sa bus ang bagito, pumara siya ng byaheng Baclaran pero sa Cubao Ilalim ang daan kaya tiyak na mapapalayo siya sa pagbaba sa Cubao. Nakatitig lang siya sa mga aklat na hawak, natutulala, nanlalagkit, parang may pwersang kung ano ang nanghimasok sa kanyang sikmura. Humarurot ang bus sa mahabang byahe sa EDSA at napakabilis din ng pagsuyod nito at pagkakaskas ng paikot-ikot na gulong sa magaspang na aspalto ng mahabang daan. Uurong-sulong ang bus para kumabig paiwas sa mga nahuhuling sasakyan. Sumusubasob na ang ibang pasahero ng bus sa pag-arangkada nito ngunit tulala pa rin ang bagito na parang may tinatanaw sa malayo. Sa isang marahas at matigas na pagtapak sa preno ay nairaos ng bus ang paghinto sa QMart. Tumatagaktak ang pawis ng drayber dahil sa pagiging abala nito sa pagkambyo't pagmamaneho. Ipinutok ng bus ang nakaririnding pag-utot nito ng pagbabawas ng presyon ng hangin. HSSSSSSSSSSSSSSS 

Sa wakas, nakaalis at nakatakas rin ang bagito sa mahabang byahe na iyon. Sa wakas.

Pagkauwi, agad siyang nagtanggal ng saplot. Naglanggas ng sarili; paikot-ikot at paulit-ulit na hinagod ang sabon sa buong katawan. Pilit niyang idinidiin ang paghagod sa sabon hanggang sa mamula-mula na ang kanyang balat. Pagkabanlaw, tulala pa rin niyang sinasambit sa sariling walang anomang sabon at paglalanggas ang makapagpapalinis ng usog na mapanakop sa kanyang katauhan.


-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

NABAGAT*


Biyernes Santo ang araw na patay ang Panginoon

gumagapang ang dilim at kasama nitong mga kampon

at lahat ng mga bagay sa tuod ng pagpapanahon

ay makababalaghang nagbabago, gaya ng pag-usbong

ng mga labong.


Holy Week at walang magawa si Kaloy kundi maghanap ng mapagkakaabalahan sa nababagot niyang katinuan. Biyernes na ng linggong ito at inip-inip na siyang buhayin si Kristo. Sumubok siya ng maraming bagay: maglaro ng mobile games, magbasa kuno at mag-download at sumubok muli ng pagkakataon sa dating app.


Paulit-ulit ang mga bulong ng hangin

at pilit na nagpupulasan ang mga talahib

naglalagislisan, na para bang may paparating

magigising na mapagbalatkayong panganib.


"Wala naman sigurong masamang makipag-usap", naulinigan niyang bulong ng demonyo. May pailan-ilan din siyang nakakausap sa app na ito, at may isang nakapukaw ng pansin niya. Mabait ang pakilala nito sa chat, at nagtiwala naman si Kaloy na ibigay ang maseselang impormasyon nito sa babae.


Hindi kailangang taimtim ang pananalangin

sa mga oras na ito, nakalabas na ang pangil ng dilim

may mga kabahayang nagsasara na ng mga pinto

at may mga kabahayang umaawit ng Pasyon nang walang hinto.


"Call tayo sa TG? Mute lang ha?", saad ng babae. Pangiti-ngiti lamang ang babae sa video call, na nginingitian naman din ni Kaloy. Parang fairy tale. Hanggang sa, "I'm so horny right now. Pwede ba tayong mag-VCS?" Napahingang-malalim si Kaloy, at wala nang matatawag na Diyos sapagkat patay na ito sa mga sandaling iyon. Ngunit nasa hawak niyang cellphone ngayon ang inaasam na muling pagkabuhay at Paraiso. Parang fantasy...


Umiiwas ang mga nag-aalpasang talahib

naghahawi't naghihiwa ng daraanan

ng nilalang na baliktad kung lumakad at magdasal

"walang diyos sa gabi" ang inuusal

hinihila, hinahalina

ang sinomang maliligaw sa bukana 

ng dahan-dahan niyang paglalangib.


Mabilis din ang pagtubo't pagsulpot ng labong

at nagmamadaling humaba't tumulis na kawayan

kaya sa sansaglit mahiwagang naitali't nahuli

sinakmal ang sikdo ng lumalaboy na pagkawili.


Bumungad kay Kaloy ang rekorded na sarili sa kanyang screen, at ipinapakita ang sariling pagsasarili. "Ayaw mong kumalat 'to diba? Magbigay ka ng 5,000 ngayon din." Ang kaninang pananakit ng puson ay naging paninikip ng puso. Ano pa nga bang gagawin kung napakagat na siya sa mapang-akit na mansanas? 


Sino na ngayon ang tatawagin

kundi ang konsensyang pilit ayaw dinggin

walang diyos sa Biyernes Santo ng gabi

tiyak na madadagit ng aswang na mapagkubli.


*bagat - sa Poklorikong Bisaya, ang tawag sa pagsalubong ng anomang nilalang ng dilim sa mga ginagabi sa pag-uwi o naliligaw ng daan sa bukid o gubat

Mga Komento

Kilalang Mga Post