Pag-alaala't Paglimot sa Pamamagitan ng Stick ng Marlboro Black
*hindi ito sponsored, pero baka pwede mo namang... huyyyy anong pwede mo namang?
Babala: hindi ito kaligayahan
O sabi ng mga kaha ng sigarilyo
nakasasama sa kalusugan.
Pero sa bawat hithit
at pagpapadausdos ng usok
sa lalamunan
saka lang ako nakakahinga
nang maalwan;
nakasasama sa kalikasan
ang bawat buga ng usok.
Makasarili ito.
Kaya wala ring panuto
kung paano ba ang tamang paninigarilyo.
Makasarili ito.
Kaya dito ko natutuhang lumayo
sa mga tao,
lalong lalo na sa iyo.
Dito ko nagawang pagbigyan
ang layaw at pagrerebelde ng katawan
habang pilit kang kinakalimutan
limutin kung paano mo ko kinumutan
ng iyong titig, ng paglalambing
kung paano mo ako inangkin
kung paano mo sarilihin.
Para kang nicotine,
madikit sa labi at hininga
at sa mga ugat na nagsanga-sanga
sa buo kong katawan
sa buo kong katauhan.
Sinikap kong araling mag-isa ang paninigarilyo:
1. Ilapat sa labi ang filter na bahagi, gaya noong tapatin mo ako sa pamamagitan ng nananabik mong labi.
2. Sindihan ang puno't dulo, ang magmimitya ng apoy at init.
3. Sabayan ang pagsindi ng malalim na paghithit
at hinayaan kang manghimasok,
hanggang sa
4. magsimulang umusok at mag-alab
-huwag pahintulutang hanginin, lamigin.
5. Paraanin paloob sa lalamunan na tila paglunok sa lahat ng mga sandaling wala ka (na).
6. Pakawalan ang usok mula sa bibig, gaya ng pagsasambit ng pagpaparaya.
7. Ulit-ulitin ang 5-6. Ulit-ulitin, paulit-ulit, hanggang sa maupos ang sigarilyo at pag-aasam sa iyo.
Kung gaano kabilis na matupok ang isang haba
ay ganun din sana kabilis na alisin ka sa sistema
-ganun ka rin naman kabilis kumalas, 'di ba?
Pero gaya nga ng paninigarilyo
na kapag sinubok nang simulan
ay mahirap nang bitiwan.
Alang-alang sa sariling katinuan
hihithit pa ako ng ilan pang alaala
para matiyak na walang matitira
sa sandaling hanap-hanapin ka
sa sandaling kabigin ng gunita
sa sandaling mangatog at katukin ng iyong presensya
sa sandaling manlamig sa pag-iisa.
Sa mga usok ko na lamang
susubuking ibuga
at hubugin ang pangungulila
sa wangis ng iyong mukha
hanggang sa mahipan na lang ng hangin
at hayaang hawiin.
Yosi lang, walang personalan.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento