Bag Inspection

Gusto nang ibuhos ni Claire ang kanyang mga luha sa sobrang takot. Gigil niyang tiniklop ang kaliwang kamay habang mahigpit na niyayakap ng kanang braso ang pink na bag.

Nagkakagulo ang klase. Isa-isang ininspeksyon ng pangulo ng klase ang bawat bag na natatapatan upang hanapin ang nawawalang I phone ng kaklase.

"Future teachers kayo, isn't it? But what's this stealing all about?" wika ng propesor sa malalim na boses. Seryoso itong naghihintay kung kaninong bag makikita ang nawawalang cellphone.

Takot, lungkot, kaba, at galit ang salit-salit na nararamdaman ni Claire. Malamang, baka tumigil siya sa pag-aaral. Nagawa lang naman niya ito para manatili sa pamantasan.

Napatayo ang propesor nang si Claire na ang natapatan para inspeksyunin ang bag.

Mas hinigpitan ni Claire ang pagtiklop ng kamay at pagyakap ng bag. Pinapalitan na ng takot ang lungkot, kaba at galit na kanyang nararamdaman. Pero sa isip-isip niya, kailangan niya pa ring makapagtapos kahit na anong mangyari.

Sa pagmamatigas ni Claire, ang propesor na ang humila ng kanyang bag. Sa paghihilahan, sumambulat ang laman ng kanyang bag: mga notebook, make-up at pregnancy test kit.

Namutla ang propesor habang tinitignan ang bagay na nag-uugnay sa pagitan niya at ni Claire, na patakbong nilisan ang silid.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post