GROUPINGS
MAHIRAP
MANATILI SA SARILING BAHAY lalo na kapag mabibigat ang pagbitaw ng mga hininga
ng mga kasama mo. Mapipilitan ka talagang umalis, magpaalam kunwari na pupunta
ka sa ganito, kila ganito dahil may groupings
o meron kang dramatic play para ipakita sa klase kinabukasan hanggang sa
paulit ulit mo itong idinadahilan sa kanila para lang makalabas ng bahay. At
pag-uwi mo naman ay sasalubungin ka ng panunumbat at hindi matapos-tapos na
homilya, para kang nagmimisa ng sunod sunod sa isang araw. Pero nalulungkot din
ako kasi matagal ko din itong dinanas, ang hindi pagkakaunawaan ng mga magulang
ko.
Grade
5 ako noon. Lagi akong nasa bahay ng magpinsan kong kaklase na sina Karla at
Alexis. Doon yun sa may Palay street sa tabi ng creek ng barangay Tumana sa
Marikina. Doon laging masaya at hindi nawawalan ng meryenda. Minsan pa nga
kapag inaabot ako ng alas sais imedya ng gabi ay niyaya na ako ng nanay ni
Karla na doon na maghapunan, pero tinatanggihan ko yun kasi hindi naman nila
ako anak para pakainan sa oras ng hapunan, sa oras na dapat magkakasama ang
buong pamilya na kumain, magkwentuhan, magtawanan at mag-usap ng magulang sa
anak at anak sa magulang.
Kapitbahay
din ng magpinsan ang iba naming mga kaklase tulad nila Arnel at Arjay. Mahilig
ang dalawang ito sa basketbol. Ganun din si Alexis. Napag-iiwanan ako dahil
hindi ako marunong maglaro ng basketbol. Kaya sa tuwing nakakatakas kami sa “totohanang
groupings” kasama ng iba kong kaklase ay pumupuslit kami para magshoot ng bola
sa court pagkatapos ng dalawang bahay mula sa bahay nila Karla. Sa una
nangangapa pa ko kung paano hahawakan ang bola. Kaliwete kasi ako kaya kaliwa
din ang pang-shoot ko. Kapag pinapasa sa akin yung bola, iniisip ko pa kung
ititira ko na ba o ipapasa ko sa kakampi ko. Pero nauunahan ako ng pagpapasikat
kaya itinitira ko na agad papasok sa ring. Lahat parang inaabangan kung anong
mangyayari sa bola. Yun ang una kong shoot sa unang totohanang laro ng
basketbol. Syempre, perstaymer sa pag-shoot, kaya tuwang tuwa yung mga kaklase
ko, ituloy-tuloy ko na daw. Hanep daw ako, kaya manlibre daw ako ng ice candy
sa tindahan sa tabi ng court. Kaya pagbalik namin sa bahay nila Karla,
nagkakahulan kami sa sobrang lamig ng kinain dahil kakagaling lang sa initan ng
araw at paglalaro ng basketbol.
Minsan,
gumagala din kami para kunwari magsusundo ng mga kaklase para naman sa “kunwaring
groupings”. Mula sa street nila Alexis, lalabas kami papuntang Ampalaya street.
Pero bago makalabas sa Palay ay madadaanan namin yung bahay ng crush ko, si
Jeneth. Kaya kapag dadaan kami doon, lagi kong tinitignan yung bahay nila kasi
lagi kong natsetsempuhang nasa labas siya ng bahay nila, minsan naglalaba, minsan
nakikipaglaro sa mga kapitbahay nila kasama ng kapatid niyang si Aljur, minsan
naman nagkukutuhan sila ng nanay niya, at minsan nakaupo lang siya. Gustong
gusto ko siyang nakikita kapag dumadaan doon kasi kahit hindi ko siya tawagin
kapag nakikita niya ko, binibigyan niya ko ng ngiti, yung hindi matamis,
maasim, maalat, mapait. Yung ngiti na kinikiliti ka mula ulo hanggang paa sabay
kiliti sa puso mo. Pero yung pakiramdam na nararamdaman ko kapag natsetsempuhan
ko siyang nasa labas ay kabaligtaran kapag nakikita kong sarado ang pintuan
nila o kaya minsan kapag sabik na sabik talaga akong dadaan sa kanila at
nadatnan kong kapatid niya lang ang nasa labas, yung nginig na mararamdaman mo
sa buong ulo dahil sa kaba at pananabik ay malakas, yung nginig na magdudulot
bigla ng bigat, hapding parang sa sugat, at pakiramdam na parang napaso ang puso
mo. Kaya kapag ganun, mapapansin ko na lang ang sarili ko na nakatingin sa mga biyak
na semento at durog na bato na nakakalat sa daan, sa mga maliliit na lawa, at
sa mga mabigat kong paa na may pagsadsad sa lupa. Mabigat ang paa ko, mabigat
na papalubog ang araw, mabigat din ang puso ko. Yun na nga lang ang isa sa mga
nagpapangiti sa akin bago uuwi sa bahay na may mabigat na presensya.
Ituloy
natin ang “kunwaring groupings” na naudlot dahil sa segway na pagsulyap kay
Jeneth. Kapag nasa Ampalaya street na kami, sobrang ingay ng kalsada. Ito kasi
yung madalas daanan ng mga tao at marami din kasi talagang tao kapag hapon.
Naglalakad pauwi galing palengke, meron din papunta naman ng palengke, mga pedicab
na may pasahero at wala, mga nagtatawanang estudyante galing sa iskul pauwi,
minsan may nagbubugbugan pa nga eh, at yung mga kotse na iniisip ko kung bakit
bumubusina pa eh alam na nga niyang maliit yung kalsada. Higit sa lahat hindi
mawawala ang mga siga ng daan na nagkalat, ang mga dumi ng aso. Maraming aso.
Kaya minsan ayokong dadaan doon kasi may oras talaga na lalabas ang maraming
aso. Takot kasi ako sa aso.
Marami
akong kaklaseng nakatira sa Ampalaya street. Marami din akong mga kakilala doong
mga kaibigan ng kaklase ko at ka-iskulmeyt ko. Hindi nakahanay sa street ang
pagiging magkapit-bahay nila kundi kumpol kumpol. Sa isang kanto ng kalsada
nandoon ang tindahan nila Alvin, kakilala ko. Kapitbahay niya si Raffy na
kaklase ko. Sa kabilang kanto naman ay bahay ni Rowel. May kakilala din ako na
kapitbahay niya pero hindi ko alam ang pangalan. Babae. Naging magkakilala kami
kasi kilala niya ako at lagi niya akong tinatawag kapag napapadaan sa street
nila. Pero lagi kong nakakalimutang itanong ang pangalan niya.
Pero
sa tuwing magsusundo kami ng mga kaklase namin, lagi kong iniisip yung semento
na nakikita kong nilalakad ko sa kalsadang yun. Pati yung mga anino ng mga
taong nasasalubong ko, nadadaanan ko,pati pinupuntahan ko. Kasi sa mga
sandaling yun nakakalimutan kong tumingin sa langit. Unti unti na kasi akong
bumibitaw mula sa pagkapit sa Kanya, yung lagi nating tinatawag sa taas tuwing
may problema tayo. Gusto ko muna kasi sa mga sandaling yun na sulitin ang mata
kong nakatitig sa kawalan ng kahabaang nilalakad ko. Para kapag hindi ko
naiwasang magbitaw ng luha sasaluhin ng kawalang yun yung mga luha ko at hindi
makikita ng kahit sino ang kawalang dinadala kong Siya lang ang nakakaalam.
Para
umuwi, babaligtarin ko lang ang gawi namin kapag nagsusundo at naglilibot. Lagi
akong uuwi kapag 6 na ng hapon, pinag-eksperimentuhan ko talaga sa araw-araw na
paglalaboy ko kung anong oras ang pinaka-komportable akong uuwi. 6 ng hapon. At
sa tuwing uuwi ako, gusto ko yung nakagawian ko dati na umuulan at wala akong payong.
Isama mo na din yung madadaan kong maingay na palengke at sumasalubong at
sumasabay na maraming tao. Sa ganung sitwasyon kasi, mas nararamdaman kong
kahit mabigat ang paa, mata, at puso kong uuwi ng bahay ay may nakasama ako sa
buong maghapong iyon kahit hindi ko kilala at hindi ko nakakausap. Mas masakit
kasi kung kasama mo sa bahay buong maghapon at walang nag-iimikan. Hindi naman
gaanong madilim sa maliit na kwarto dahil naiilawan ng kaunti galing sa maliit
na sala pero mararamdaman mo yung dilim na bumabalot sayo at yung init na gustong
kumawala at sumabog mula sa puso mo dahil sa lamig na nararamdaman mo sa
paligid ng maliit na bahay. Hindi mo alam kung nasisikipan ka ba o naluluwagan
dahil tahimik ang maliit na bahay kahit lima kaming nagsisikan.
At
uuwi na nga ako, nilalakad ang direksiyon kanina nang pabalik, pabaligtad. Ang
nararamdaman kong gaan, lumanay, tuwa, kilig, at pananabik ay nabaligtad na
rin. Hindi umulan tulad ng gusto ko, maliwanag pa sa alas sais ng gabi, at
nakalutang ang mga tingin ko diretso, hindi na sa sementong sumasalo ng
mabibigat kong paa at luha. Bawat tao ay tinitignan ko, bawat mag-ama at
mag-ina tinitignan ko, ang mga nakasakay na inang may katabing anak sa loob ng
pedicab. Hanggang sa hindi na ang mga nakakasalubong ko at ang daan na
nilalakad ko ang nakikita ko kundi ang panalangin na sana pag-uwi ko hindi ko
na naririnig ang mga buntong hininga kundi ang ingay ng bunso kong kapatid na
nakikipaglaro kay Daddy, ang pagkukwentuhan nila Daddy at Mommy habang
binabalik-balikan ni Daddy ang niluluto habang naglalaba si Mommy sa banyo, ang
maiingay na pilas ng mga papel ngunit may kagaanan dahil gumagawa ng homework
ang kapatid ko na sumunod sa akin, at ako na nag-iingay gamit ang pantasa at
lapis habang gumuguhit. Hanggang sa tatawid na pala ako ng kalsada papunta sa
aming barangay kung saan makikita ang bahay ko, kung saan kailangan ko nang
umuwi. At bumalik ako sa pagkakalutang.
Lakad
nang diretso. May sasakyan. Maingay. May mga naglalaro sa kalsada. May tindahan
sa kanto. Liko sa kanan. May sasalubong na mga sasakyan. Sa bangketang masikip.
May punong maliit. Tindahan. Bahay namin. Bubuksan ang gate na pintuan. Kakain na
pala. Ang aga mo umuwi. Tapos na po yung
groupings. Maghanda ka na ng pagkakainan. Wala pa si Daddy? Bakit mo sa ‘kin
hinahanap?
Tahimik.
Maingay ang plato, kutsara, tinidor, at pagnguya. May magbubukas ng pinto. Si
Daddy. Magmamano ang bunso. Dederetso si Daddy sa kwarto at hihiga sa papag. Si
Mommy babalik sa paglalaba. Ang bunso maglalatag ng higaan, ang isa gagawa ng
homework. Maghuhugas ako ng pinggan. Tahimik. Maingay ang mga plato, kutsara,
tinidor, tubig sa gripo. Tahimik ang paghikbi ko.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento