SPOLIARIUM

   PANAY ANG PAGPAPAIYAK ni Raymund sa electric guitar habang sinasabayan ni Ely ng hagod ng boses. Mabigat ang bagsakan ng bass. Boom,boo-boom, boo-boo-boom. Naiwang bukas ang mp3 player at speaker habang naka-charge.

            “Anong oras na ba?”, tumayo si Sarah habang hinahagilap ng inaantok pa niyang mata ang cellphone para tignan ang oras. Alas dose na ng tanghali. O mas marapat niyang sabihin, ‘Ilang araw na ba ang nakalipas? Ilang araw na rin pala akong ganito.”

            Nagtimpla sya ng paborito nyang 3-in-1 na kape. “Bakit araw araw na lang mapait tong kape?” Pinakiramdaman ng dila niya kung pupwede nang higupin ang kape. “Kahit mapait ka araw-araw, sa’yo na ako magpapakalasing. Cheers mga gago!” biglang sigaw ni Sarah sa sarili habang napalitan ang kanta ni Ely sa playlist. Mabagal ang pasok ng tempo ng drum.

            Napapa-headbang si Sarah sa bawat bitaw ni Ely ng salita. Paulit ulit pumapasok sa isip niya ang mga pangyayari isang linggo na ang nakaraan: sampal, painom, putang ina, hubad, piglas, talian. Paulit ulit niya itong naiisip habang sinasabayan niya si Ely sa hinagpis ng boses nito.
Umiyak ang umaga
Anong sinulat ni Enteng at Joey diyan
Sa pintong salamin
Di ko na mabasa
Pagkat merong nagbura
Ewan ko at ewan natin
Sinong nagpakana?
At bakit ba tumilapon ang spoliarium
Diyan sa paligid mo?
             
            Pinindot nya ang “replay one” sa mp3 player. Nagpaulit-ulit din ang pagkanta ni Ely, ang pagpapaiyak sa gitara, ang mabibigat na bagsakan ng bass at mabagal na tempo ng drum. Mas paulit-ulit din ang mga naisip niyang sampal, painom, putang ina, hubad, piglas, talian. Ngunit nadagdagan ng pasok, hila, pasok, dugo pasok hila pasok dugo.

            Habang nagsosolo si Raymund, kinuha niya ang mga timba ng itim at pulang pintura kasama ang paint brush. Hinubad niya ang tshirt, shorts, panti at bra. Isinawsaw niya ang paint brush sa pula at itim. Ipinahid niya ang paint brush sa buong katawan hanggang sa mapuno siya ng pinturang pula at itim. “Hindi ako natutuwa.. gusto ko pa, gusto ko pa, mga putang ina, pagsawaan nyo ako!” Dinampot niya ang mga timba ng pintura, “Para sa inyo to, cheers ulit mga gago!” at ibnuhos sa katawan ang pula at itim na pintura.

Tuloy pa rin si Ely sa pagkanta, tuloy pa rin ang iyak ng gitara, bumibigat pa lalo ang bagsakan ng bass, tuloy pa rin ang mabagal na tempo ng drum.

Puwede bang itigil muna
Ang pag-ikot ng mundo,
ang pag-ikot ng mundo ang pag-ikot ng mundo ang pag-ikot ng mundo

Tumigil ang tugtog. Natulala saglit si Sarah, saka naligo, nagbihis – umalis.

“Di pwedeng itigil ang ikot ng mundo. Ako ang mundo.”

Mga Komento

Kilalang Mga Post