GUNIGUNI: mga dagling nagmumulto

 

May mga dagling nanggugulat, nambubuking, nag-iiwan ng lamat, kaya tinangka ko ang mga dagling nagmumulto: namamahay, nananatili, tila dumating na ngunit paparating pa lang.


Slowed + Reverb*

 

Si Fe, nakaupo habang tulala sa dingding ng kwarto. Wala siyang imik na nakikinig sa nagsasalita.

"Hindi ko na alam ang gagawin. Hindi ko alam kung paano tutulungan ang sarili ko. Nahihiya na ako sa 'yo..." Mabagal at papaiyak na pagtutuloy ng nagsasalita. Tulala lang si Fe.

"Kahit nandiyan ka, at lagi mong nagsasabing handa kang tumulong, hindi ko maramdaman, Fe. Tingin ko, handa ko nang gawin ‘to. Handa na akong mamaalam..." Tulala pa rin si Fe. Umaalingawngaw na ang boses ng nagsasalita dahil sa mahabang katahimikan sa kwarto.

"Fe, mas mainam na wala na ako. Ayoko na rin na mahirapan ka. Mas mainam ngang wala na ako dahil maski sa bahay, multo na lang ako. Hindi nila naiintindihan ang sitwasyon ko. Nasa isip ko lang daw 'tong lahat! Mabuti pa nga raw at nakakakain pa ako sa oras. May damit. May trabaho. Nakapag-aral. Ano pa raw ba ang kulang?" Sa pagkakataong ito, garalgal at galit na ang boses ng nagsasalita. Tulala pa rin si Fe na nakikinig.

"Fe, mahal kita! Pero kailangan ko 'tong gawin para mapayap-" Mahihina ang katok, sabay pihit sa doorknob. Mabilis na pinindot ni Fe ang stop button ng tape recorder. Naiwang umaalingawngaw sa kwarto ang nahintong pagsasalita.

"Fe, wala na siya. Patawarin mo na rin ang sarili mo." Alalang bungad ng kanyang inang pumasok kwarto.

Nagsisimula nang umambon, tanaw mula sa bintana ng kwarto ni Fe.

 

*estetika na ginagawa sa enhancing at remixing na nagpapabagal at nagpapababa sa lahat ng tunog at tono ng orihinal na audio, at may epektong umaalingawngaw na tunog na tila nasa loob ng isang malaki at walang lamang bulwagan




Trap [beats]*

 

Humahangos na pumasok sa bungalow ang lalaki. Sinuong niya ang malakas na buhos ng ulan makauwi lang mula sa trabaho. Inabot ng kamay ang light switch ng sala, subalit ‘tlik’ lamang ang narinig at walang liwanag na bumungad. “Eto na naman tayo.” Buntong-hininga niyang hinubad ang sapatos, saka madaling inabot ang smart phone para buksan ang flashlight nito.

“Tang ina, nakalimutan ko pang bumili ng kalahating order ng ulam kina Manang Badet.” Padabog niyang binuksan ang takip ng kaldero ng kanin. Sininghot niya ang kulob ng malamig na sinaing. “Pwede pa, ulam na lang talaga. Ay, may tira pa palang adobo sa baon ko kanina.”

Nilabas niya ang plastik ng tira-tirang adobo at ipinatong sa ibabaw ng kaldero. Walang palit-palit ng damit, tumungo siya sa maliit na kwarto at nahiga. “Lagi pang late ang sahod, tapos malapit na naman ang endo. Tapos eto pang ilaw, late na naman makakabayad.” Nakatihaya siyang tumitig sa kisame ng kwarto. Mahaba pa ang gabing maulan, ngunit maikli na lang ang panahon para umabot sa deadline ng mga bayarin.

Tila pinunit ng dagundong ng kulog ang bubungan ng kanyang kwarto. Pagdaan ng kulog, narinig niya ang sunod-sunod na pagpindot ng light switch sa kwarto. “Tlik. Tlik. Tlik. Tlik. Tik-tlik. Tlik.” Napatingin agad siya sa direksyon ng switch, sabay kumidlat-kidlat at dumagundong ang kulog. Nagitla siya sa aninong lumitaw, pumipindot-pindot ng switch.

“Tlik. Tlik. Tlik. Tlik. Tik-tlik. Tlik.”
            Hindi siya makatayo at hirap din siyang makahinga. Nagpatuloy ang pagpindot-pindot ng anino sa switch habang taranta niyang pilit iginagalaw ang buong katawan. Nagmistulang beat ang paulit-ulit na pagpindot. Habang nakahiga at hindi makagalaw, pinakikinggan niya na lamang ito, at naririnig na rin sa background ang saliw ng malakas na buhos ng ulan. Nagpatuloy ang pamilyar sa kanyang beat.

“Tlik. Tlik. Tlik. Tlik. Tik-tlik. Tlik.”

Mas naging pamilyar ito nang simulan na niyang saliwan ito ng humming. Nakatayo lang ang anino habang tila nilalaro sa ritmo ang switch.

“Tlik. Tlik. Tlik. Tlik. Tik-tlik. Tlik.”

Naalala na niya ang musikang ito. Napahinto siya sa pagsabay ng humming sa pagpindot, “Namimiss kita Lila, bumalik ka na.”

 Huminto ang pagpindot sa switch. Naglaho sa pagdaan ng kidlat ang anino. Naiwan ang namumunit na dagundong ng kulog sa kanyang ulirat.

Naalimpungatan siya. At bumalik sa bangungot ng kanina pang pagpatak ng tubig mula sa butas ng bubong ng kanyang apartment.

            “Tlik. Tlik. Tlik. Tlik. Tik-tlik. Tlik.”

 

*ginagamit na backing track sa Trap music, ang estetikang ito ay ginagamitan ng marami at paiba-ibang tempo ng hi-hats, kasabay ng melodic riffs at rolling kicks




[radio] Static*

 

Gusto nang lumuhod ni Red habang hukot ang balikat na nilalakad ang gabi sa Marikina Riverpark. Balisang balisa siya sa balitang pagkakatanggal sa kanya sa trabaho dahil may mas kwalipikadong bagong empleyado. Hindi pa nga niya lubos na malulon ang hiwalayan nila ng nobya, at pumaimbabaw naman ngayon ang panibagong problema.

Nakahanap ng pwestong mauupuan si Red para doon itanim ang sarili sa pagkalumbay. Napako ang tingin niya sa payapang ilog ng Marikina. “Sino pa ba’ng maaaring madikitan? Wala na akong malapitan.” Nanlupaypay, bumuntong-hininga si Red. Nangungulila, at naulilang lubos hanggang sa kasalukuyan.

Bumaba siya sa tabing-ilog. Palapit siyang tumitig sa ilog. Papalapit din ang kanyang repleksyon na tumitig pabalik sa kanya. Inilubog niya ang mga agam-agam sa imaheng kaharap niya.

Umihip ang malakas na hangin. Napasinghap siya nang may nabubuong imahe ng dalaga ang papalapit sa kanyang tabi. Weirdo ang pananamit at ayos ng buhok. “Makalumang style” sa isip-isip niya. Sa repleksyon sa ilog, tumabi ang imahe sa kanyang imahe. Agad niyang tinignan ang kanyang katabi. Mas lumalim ang pagsinghap niya dahil wala naman siyang katabing buhay na katawan.

Ngunit, nanatili ang imahe ng dalagang may marikit na mukha sa repleksyon sa ilog. Lumapit ito lalo at dumikit sa kanya. Naramdaman niya ring may dumikit na balat sa kanyang braso. Naramdaman niya itong kumapit sa kanya. Narinig niya rin ang bulong na, “huwag mo akong hahayaang tangayin ng agos.” Pagbaling niyang muli sa repleksyon, tila nga bumubulong sa kanya ang dalaga.

Dumagundong ang malalakas na kulog. Sunod-sunod. Narinig niya ang sigaw ng babae na sinisikap na hindi malunod, “huwag kang bibitaw!” Naramdaman niya ring tinatangay ang babae at mahigpit na kumakapit sa kanyang braso. Sa repleksyon, o hindi na niya maintindihan kung nakikita ba niya o nararamdaman, nahahatak ang kanyang braso sa pagpupumilit ng dalaga na hindi makabitaw. Nabura ng mga kilapsaw sa ilog ang mga nasaksihan niyang pangyayari.

Nanahimik ang paligid dahil sa sunod-sunod na patak ng ulan.

Napatingala siya sa langit kung saan nanggagaling ang mga patak ng ulan. Sinalo ito ng kanyang mukha. Nasilayan niya rin pagtingala ang matayog na estatwa ni Marikit.

Naalala niya, na minsan nga rin palang may tumingin at magnilay sa sarili niyang repleksyon sa ilog, at malaman na mag-isa rin sa kanyang suliranin.

Nagpatuloy ang nakabibinging katahimikan dulot ng malakas na buhos ng ulan.

 

*ang tunog o ingay na ito sa radio reception ay panghihimasok ng mga unwanted at random na radio signal frequency, na nagmimistulang hissing sound at malapit din sa tinatawag na white noise sa ibang pagkakataon

Mga Komento

Kilalang Mga Post