TIPAN: Koleksyon ng mga Dagli (Nailimbag sa Aklas Literary Folio ng The Torch Publications, PNU Manila, 2013)
Rebelasyon 22:21
Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, kung sinoman ang magdagdag sa mga ito ay daragdagan siya ng Diyos ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito. Araw-araw kong nasasaksihan ang pagpuputa ng aking asawa. Parang salot na dumaragdag sa hapdi ng puso ko ang kanyang malalakas na halinghing sa sarap ng kanilang mararahas na romansahan. Ano pa bang kulang sa akin para pagtaksilan niya?
At kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito. Wala na akong karamay sa buhay; umalis ang anak ko dahil sa dengue, ang asawa ko dahil sa kanyang mayamang kalaguyo at ang nanay ko dahil sa kanyang katandaan. Bakit sa dinamirami ng tao ay ako pa ang nasulatan ng gantiong tadhana?
Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako'y madaling pumaparito. Siya nawa: pumarito ka Panginoong Hesus. Hawak ko na ang aklat na ito mula pa noong bata ako hanggang ngayong nakakulong ako sa kasong pagpatay. Lahat ng bagay na nakapaloob dito ay pilit kong ginawang bahagi ng buhay ko. Parito’t paroon ang pagdulas ng bawat bersong nakatala sa banal na aklat; paulit-ulit kong nauulinigan sa aking isipan ang bawat salita.
Ang biyaya ng Panginoong Hesus ay mapasa mga banal nawa. Siya nawa. Sino ba siya at nasaan ang biyayang tinutukoy niya? Tao rin naman siyang nakaranas ng buhay na kung anong meron ako. Dapat ko pa ba Siyang paniwalaan?
Huling hearing ngayong araw. Nagbitaw ng huling paghuhukom ang hurado.
“Not Guilty.”
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Antanda
“Sa ngalan ng Ama...,” mataimtim na nag-uusal ng panalangin ang lahat. Kasing ayos ng pagkakasalansan ng mga kobyertos at plato sa mesa ang kanilang pagkakaupo. Daig pa nila ang pagkakaayos ng pwesto ng mga apostol sa Last Supper. Ikinukubli nila ang takot sa ilalim ng hapag.
“…ng Anak…,” humahalimuyak ang bango ng kumukulo pang kare-kare. Pumipinta sa mata ang kulay ng malulutong na gulay. Nagkakatas ang malalambot na laman ng baka. Hindi rin nagpahuli ang kalderetang mamula-mula sa anghang. Lumalangoy ang laman taba kasama ang patatas na nagsisilbing pukyutan ng linamnam. Nahuli ng grasya ang pananakam ng mga kakain, maging ang imaheng nasa hapag ay tila nananakam.
“..at ng Espiritu Santo…,” ang nagsasalubong na kilay ng ama ay palatandaan na hindi siya marunong ngumiti. Buong buhay niya ay inilaan sa pananalangin at pagpupunas ng Poong Nazareno, maging ang pag-aalaga ng kanyang Sto. Nino.
“…Amen. Cuaresma, bakit hindi ka nagdadasal?”
“Ano po ba talaga ang dinadasalan natin ‘tay?…”
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Misteryo ng Hapis
Nakakapit si Maria sa higaan at sa rosaryo. Tinanggal ang unang butones ng kanyang damit.
Ang unang Misteryo ng Hapis ay ang pananalangin ni Hesus sa Halamanan.
Natapos ang sampung Aba Ginoong Maria. Tinanggal ang ikalawang butones.
Ang ikalawang Misteryo ng Hapis ay ang ang paghampas kay Hesus na nakagapos sa haliging bato.
Natapos ang sampung Aba Ginoong Maria. Tinanggal ang ikatlong butones.
Ang ikatlong Misteryo ng Hapis ay ang pagpuputong ng koronang tinik kay Hesus.
Natapos ang sampung Aba Ginoong Maria. Tinanggal ang ika-apat na butones.
Ang ika-apat na Misteryo ng Hapis ay ang pagpapasan ng krus ni Hesus.
Natapos ang sampung Aba Ginoong Maria. Tinanggal ang ikalimang butones.
Ang huling Misteryo ng Hapis ay ang pagkapako at pagkamatay ni Hesus sa krus.
Natapos ang sampung Aba Ginoong Maria. Nasa huling hiyas na ang kapit ni Maria sa rosaryo. Tinanggal ang huling butones.
Aba po Santa Mariang Hari, ina ng awa…
Napapikit siya at nagpatangay sa kakaibang misteryo ng pagnanasa.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento