Hagkan



Lagi nang inaabangan ni Red ang babae sa ilog tuwing sasapit ang buwan ng Hunyo -- tag-ulan.


‎Hangad niyang mahawakan muli ang kamay nito, di tulad noong una nilang pagkikita na nabitawan niya dahil sa rumaragasang agos ng ilog. Malay siya, na hindi ito tao, ngunit sa pakiwari niya'y buhay na buhay ito; siya ang nagbigay-buhay kay Red.


‎Ikalabing anim na araw na ng Hunyo, ngunit hindi pa rin bumabagsak ang ulan mula sa kalangitan. Ganoon din ang babae, hindi pa rin nagpapakita. Tanging ang maliwanag na buwan lamang ang nasisilayan, kalahati ng kabuuan nito ang nagkukubli pa lamang. 


‎Ngunit ng gabi ring ito, isang dampi sa nanlalamig na kamay ni Red ang naramdaman niya. Umaliwalas ang repleksyon sa ilog ng kung sinomang may gawa nito. Siya na nga ulit!


‎Nilingon ulit ito ni Red gaya noong una, ngunit wala pa rin siyang maaninag na katawang-tao, pero sa repleksyon, nakatingin din ito sa kanya. 


‎"Ano'ng pangalan mo, Miss?" Bagaman sa hangin lamang pagkunwang naibato ni Red ang tanong, tumugon ang babae sa repleksyon, "Marikit."


‎Kasing liwanag ng kalahating naikubling buwan ang boses na iyon. Kasing rikit din ng buwan ang narinig niyang pangalan ng babae. "Marikit ka nga."


‎"Kumusta ka na? Nagulat ka ba noong huli mo akong nakita?" Unti-unting lumitaw ang isang babae sa gilid ng kanyang kinatatayuan sa pampang ng ilog. Hindi na lamang ito repleksyon kundi isang wangis ng buhay na tao. 


‎"Bakit ngayon lang kita nakita nang buo?"


‎"Buo naman talaga ako. Mailap lang ako sa buhos ng ulan. Buti't maliwanag ang buwan ngayon kahit na hindi na nito kabilugan. Ano'ng sadya mo ulit sa ilog? Magmumukmok ka ba ulit gaya noon?"


‎"Ewan, parang may hinahanap ako lagi simula noong gabing 'yun, dito sa riverpark."


‎"Ah, hinahanap mo 'ko?"


‎Hinawakan ni Red ang kamay nito, ramdam na ramdam niya ang lambot at lambing ng palad ng babae.


‎"Huwag ka namang biglang bibitiw agad, Marikit."


‎"Parang noong huling pagkikita, ikaw pa nga ang bumit--"


‎Hindi na natapos ng babae ang sinasabi, nang hagkan siya ni Red.


‎Saksi ang buwan na kalahating nagkukubli sa saglit na kaganapan.


‎Naglahong muli ang babae. Pero nag-iwan ito ng mensaheng umalingawngaw sa pandinig ni Red.


‎"Balikan mo ako, sa tuwing nangangalahati na sa pagtatapis ng kanyang lilim ang buwan."


Mga Komento

Kilalang Mga Post