To: IKAW
![]() |
| Art by: Nathanielle Torre |
To: IKAW From: AKO
Ako. Ako itong nakatayo sa iyong harapan at lumilikha ng aliw na sinuman ay walang makahihigit. Ako itong pilit na inaagaw ang iyong atensyon gamit ang malaporselana kong kabuuan na pinanlalandakan ko sa buong magdamag para lang magkalaman ang sikmura ng aking pamilya. Ibuhos mo man lahat ng iyong kamunduhan sa aking kabuuan ay wala akong pakialam sapagkat salapi ang nais ko. Ito ako.
Ako. Ako ay lumaki sa mundo ng Quiapo. Saksi ako sa maraming misa na dinadaluhan ng di-mahulugang karayom na dami ng iba’t-ibang klase ng tao. Puslitan ng pitaka mula sa iba’t-ibang bulsa ang aking nakikita. Dalawin din ang Quiapo ng mga nagnanais magpalaglag. At ako bilang tao sa mundong kinalakhan ko ay hubad sa katotohanang ama at ina ko ang mga rebultong naririto. Binihisan ako ng grasa at alikabok na nagpapaningning sa aking mukha. Pinasuso ako gamit nitong lata, at ngayon hawak ko pa rin ang latang ito para gawing pangkain sa araw araw. Binigkis ako sa mundong ito na ganito ang aking gayak upang makita mo kung sino ako.
Ako. Laki ako sa ginhawa. Gusto ko ng pang-araw araw na kaginhawaan. Kay sarap maging maginhawa. Ang nais ko ay mamatay ng maginahawa. Ikaw ba ay parang ako rin ?
Ako. Ang gusto ko lang naman ay maging tulad nila. Mayaman, maraming kagamitan, maraming pagkain, at higit sa lahat, ay mahalin niya rin tulad ng nobyo niyang mayaman. Kaya ito ako ngayon, napakaraming raket. Kaunting panakot na kalabit lang sa gatilyo nitong mahiwaga kong sandata, nag-iinit na agda ang aking kamay sa malalaking salaping dumadapo. Kaunting tutok ko lang sa di-mabilang na tagiliran ng iba’t-ibang tao ay para akong hinuhulugan ng biyayang di matatawaran. Yaman mula sa ibang kaban na sa pamamagitan ng pananakot unit-unit na akong nagiging kagaya ng nobyo niya. Ako ay tulad na ng minamahal niya.
Ako. Sa isang pitik lang ng aking daliri, nagkakandarapa ang mga tauhan ko na parang mga bubwit sa pag-uunahan sa paggawa ng ipinag-uutos ko. Liban pa roon, taksil sa aking mga mata ang sinumang magsasalita patungkol sa mga lihim kong pagpapalawig ng kayamanan. Ngayong narito na ako sa upuang ito pasintabi sa inyong mga napangakuan ko, hunghang kayong tunay. Mga panapal kong proyekto para sa mga aktibidad kong pagpaparami ng salapi ay dinudumog ng mga kaululan ng inyong sikmura! Ako itong niluluhuran ninyo ngayon, na dati’y nagagawa ninyo pang kamayan. Ako ang batas!
Ako. Nagbubulagbugan ako sa aking mga napupuna. Bata pa ako para mangialam. Gusto ko pa makapagtapos ng pag-aaral. Gusto ko magkaroon ng magandang propesyon. Gusto kong maipagmalaki ako ng mga magulang ko kahit na ilang beses na nila akong parang gustong ilugmok sa kahihiyan. Ngunit, iba pala kapag nangialam ka. Iba pala kapag may paninindigan ka. Yung tipong bubulungan ka ng sarili mo na kapag hinayaan mong magipit ang mga ginigipit at maapi ang naaapi, isa kang kahihiyan sa mundong ginagalawan mo. Walang taong nabuhay at nabubuhay para sa sarili lamang. Sana, ako na nga itong bagong ako. Itong AKO na may paninindigan at mulat para mangialam.
To:IKAW From:SIYA
Siya. Maputi pa sa kabayong Pegasus. Binigkis ang pagtatalik sa kanyang pusod nang marating ang edad na kinse. Ngunit nueve aƱos pa lamang siya nang mapunit ang kanyang dignidad. Namundokang kanyang tiyan, at pagkatapos ng siyam na buwan ay lumitaw ang buhay sa loob, kawangis ng kanyang amahin. Siya na nga si Magdalena N.G. Palad.
Siya. Umaasa na kahit mumo man lang ang ihulog mula sa engrandeng hapag ng restaurant. Kuyakoy ang ginagalaw ng kanyang katawan kapag ginutom siya ng matapobreng araw. Tanging ang restaurant na lamang na iyon ang nagbibigay pag-asa sa pagpapatuloy ng kanyang sinapit nabuhay. Pagmasdan mo siya sa kanyang mata. Makikita mo ang pagtatangis sa nakawilihang kasaganahan noon na kanyang pinagsisisihan ngayon. Siya na nga si Polo B. Nayon.
Siya. Kinatatakutan sa kanyang maliksing kakisigan at matipunong kaharasan. Modelong nakilala sa panahon ng kanyang katanyagan ngunit sa pagtikim ng langit na di-maabot ng bait ay naglahong lahat ang kanyang pinuhunang kabantugan. Psycho Killer na ngayon ang pagkakakilala sa kanya ng lahat. Nasimot na niya ang baryong nagpalaki at naghubog ng kanyang kabuuan na ngayo’y nawasak kasabay ng pagwasak niya sa baryo. Siya ay walang iba kundi si alECS TAyron SImbulan.
Siya. Pinatay dahil sa kanyang kapusukan sa pagsiwalat ng katotohanan. Isang estudyanteng puno ng prinsipyo at ideolohiya. Kilala sa pibradong paaralang pinapasukan dahil sa pagiging iskolar nito at sa angking katalinuhan. Nagmulat sa maraming estudyante ng kabuktutan na inaasal ng gobyernong mapaniil sa karapatan ng mamamayan. Ngunit, nawasak lahat ng pangarap niya at ng kanyang mga magulang nang patahimikin siya ng kinalabang politiko sa isinulat na artikulo na pinamagatang “Aanhin mo ang yaman mo, kung patay na ang dignidad mo”. Mapasalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Siya nawa. Siya nga si Ac T. Bista.
To:IKAW
Ikaw,
Ikaw. Ikaw na itong nakasaksi ng iba’t ibang kamalayan. Ang mga kamalayang ito ang magmumulat sa iyo na magising ka na sa katotohanan. Bilang isang humihinga, kumakain, natutulog, dumudumi, umiihi, umaawit, nag-iisip, nagsasalita, umiibig, at buhay na mamamayan ay kailangan mo ring mangialam sa lipunang iyong ginagalawan. Nakakakita ka na ng mga kamalian, wala ka bang gagawin para naman ang mga ito’y maging tama?
Sinasabing walang maaapi kung walang nagpapa-api. Oo, katotohanan ang katagang ito. Ngunit, IKAW ang tinutukoy na ‘walang nagpapa-api’ sapagkat ikaw ang pipigil sa kaganapang pang-aapi. Kung mananatili kang bulag, pipe, at bingi at mas masahol pa ay pagiging walang pakialam ay piliin mo nalang na mamatay kaysa mabuhay, sapagkat tao ka din na ay may karapatan at tao ka din na may buhay. Tao ka din na kabilang sa lipunang ito na may bahid ng karungisin at imoralidad. Kung iniisip mong imoral ang paglaban sa gobyerno, imoral ba ang pagsulong ng karapatan at pagtatanggol sa mamamayang kinurakot ang dangal, pangarap at buhay? Ikaw, sana ay magising na.
Lubos at patuloy na magmumulat,
AKO at SIYA


I like your blog. Mukhang magkakasundo tayong dalawa. :)
TumugonBurahin