GUILTY PLEASURES



GUILTY PLEASURES


10PM TUE MARCH 20, 2018
[Now Playing: Nesting Dolls by Circa Survive]
Sabi ng android phone ni Red.

“You shouldn't stay. We’ll never change and I can’t recognize you at all.”

“Parang kailangan ko ng yosi.” Lumabas si Red saka dumaan sa 7eleven para sa Smirnoff.

“I don’t wanna feel like this. Ever, ever, ever, ever, ever again.”

 “Mababaw na sarap lang.” Nilakad niya ang Bayan-bayanan sa Concepcion saka huminto sa vulcanizing na may sari-saring tinda.
 “Dalawang Marlboro Blue nga po saka isang Snowbear.”
Napansin niyang naulit ang kantang nakakabit sa tenga. “Di bali na, sakto naman sa feels.”

“You shouldn't stay. We’ll never change and I can’t recognize you at all.”

Hithit-buga. Lagok. Hithit. Buga. Lagok. Lumagatok ang kendi sa loob ng bibig. Ilang beses na niyang inusal sa dibdib ang “Lampas alas-siyete na. kelan ka pa ba magtetext? Kanina pa ko text nang text hindi ka pa ba magrereply. Sana nakauwi ka na.” Pero hindi naman talaga siya nagtetext. Nag-aantay siya ng reply sa silent treatment na ginagawa niya sa hinihintay.

“I don’t wanna feel like this. Ever, ever, ever, ever, ever again.”

“Tangina ko kasi, sana sinagot ko na lang mga tawag niya noon. Sana pala nakapagtext ako agad noon. Sana pala…” Nahuli niyang sinisisi ang sarili sa sa pamamagitan ng mga di mabilang na sana na nagtatapos sa "noon".

“Imposibleng magkaamats 'tong Smirnoff.” Ngayon, natutunan na niyang itext ang hinihintay. Pinadalhan niya ng monologo ang kausap. Tatapusin niya sana ito sa “Hihintayin kita.” Pero, “Antay ko repz mo” ang panapos niya.

Di pa nakuntento si Red at tinawagan ang hinihintay. Di sinagot. Sinubukan niya ulit nang makailan pang beses. Ngunit walang pag-asa.

"Nothing's the same. It's all been arranged in a way keeping me out of it."

Sinubukan niyang tawagan ang numerong hindi nakaregister sa contacts na ginagamit ng hinihintay kapag nakikitext sa co-teacher nitong lalaki - para itanong kung nakauwi na ba ang hinihintay.

 Sa pagkakataong ito, “Ano pa bang kailangan mo? Nasabi ko na lahat!” Binaba ng tila pamilyar na boses. Tinawagan niya ulit.

“The number you are calling is out of coverage area. Please try…” Di na niya pinatapos ang operator.

“I don’t wanna feel like this. Ever, ever, ever, ever, ever again.”

Kinuskos niya ang naupos nang sigarilyo sa lupa. Pilit na sinimot ang wala nang lamang Smirnoff.
Natapos na din ang kantang pahinto-hinto dahil sa pagtawag niya kanina. “…And I can’t recognize you at all." Mas nadinig nyang pamilyar nga ang boses ng nanigaw.

10:30 PM TUE MARCH 20, 2018

Sabi ng android phone ni Red bago tuluyang mag-off ang screen.


-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

SOBRIETY

Akala niya, sagot ang pagpunta sa Bicol para lumimot.

Iniisa-isa ni Red ang bawat araw sa dalawang linggong planong pagbabakasyon. Walang lasa ang kosido pero ito ang hinahanap niya tuwing hapunan. Pasikreto ang pagyoyosi sa gabi, pero pinipilit niyang namnamin ang usok sa makailang pagtakas sa lola.

Mas madalas na kapag hapon, hinahabol niya ang paglubog ng araw; mas madalas rin na mag-isa ang pagbibisekleta papuntang pier para makita lang ang dahan-dahang pagkahulog ng araw. At tutunguhin ang plasa katabi ng simbahan para maramdaman na hindi siya nag-iisa – maraming tao pero ni isa hindi niya kilala.

Sa pagtulog, katabi ng hinihigaang pahabang upuang kahoy ang imahen ng Mater Dolorosa. Kapag patay na ang ilaw, sinasabayan niya ang imahen sa nakaukit na kalungkutan nito, sa pagtangis nito. Dahil bukas, panibagong araw na naman para bilangin ang lumipas na oras, na ikinababagot niya dahil sa pag-uulit-ulit ng buong maghapon.

Umaga ang pinakainaayawan niya. Sinisimulan niya ang araw sa pamamagitan ng pagbibisikleta mula sa malapit na dagat, papunta sa Pili. Sa Pili niya nasilayan at natuklasan ang misteryo ng buhay sa Bacacay: ang babagtasing tunnel tree, ang tulay palusong-paahon, ang punong pinagluwalan, an nagkararigos na diwata asin mga aki (naliligong diwata at mga bata), ang minsanang naglalahong isla at ang pinakadulong bahagi nito, ang pampang patawid sa ibayo.

Nang matuklasan niya ang pampang,  nakita niyang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tao ang tumawid sa kabilang dako, parito’t paroon upang magpatuloy sa pang-araw-araw na buhay - dito niya  napagtanto na isa lang siyang bigong romantiko na niroromantisa ang pagbabakasyon sa Bikol. Hindi pala imposible ang tumawid, katulad ng mga taong arawan ang pagsulong.

Dumating ang huling araw ng pananatili niya sa bahay ng lola, inalmusal niya ang huling pagdalaw sa dagat. Nakita niyang bumabalik-balik ang mga hampas ng alon ng dagat sa dalampasigan. Nagkaroon siya ng pag-aalinlangang bumalik sa Maynila. Ngunit.

Naghanda ang lola ng maraming suman at latik, ng kakaw at mga saging na saba. Hindi siya binigo ng lola na paghandaan ng paborito niyang sariwa at pinaksiw na tuna, at mga baong biscuit na lagi niya ring ibinabaon tuwing uuwi noong bata pa siya.

Sa bawat naitutuping damit, isang buntong-hininga. Natatabunan ng lagaslas ng tubig sa sahig ang pagpatak ng luha niya habang naliligo. Huli siyang namaalam sa lola, na noong lingunin niya pagkalabas ng gate ay nakita niyang tumatangis ng “manatili ka pa sana dito”.

Pag-akyat ng bus, iyon ang mga larawang tiyak niyang ipansasalubong pagbalik ng Maynila. Nang umandar ang bus, naalala niya ang pampang sa Pili.

Akala niya, tanong ang pag-alis sa Maynila para lumimot.

Pagkababa niya ng bus, itinawid niya ang dalawang linggong pag-aalaala sa Concepcion.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


EPIPHANY

Ilang oras bago magpalit ng taon, humahangos ang bus na sinasakyan ni Red pabalik ng Maynila.

Ito ang mga araw na alam niyang nakatala na sa kanyang pagkatao: ang pagtungo sa kanayunan na noon ay ideya lamang na lagi niyang sukbit sa araw-araw na pakikipagtunggali sa panahon.
-------
Hindi tumitigil ang ulan at basa ang daraanan mula sa paanan ng bundok. Hindi ito ang nagpapabagal sa paghakbang ni Red pasulong kundi ang alinlangan na "saan ako dadalhin ng mga ideolohiya kong ito?". Nakakahingal ang pag-akyat ngunit lagi niya ring sinasabi na pupunta at pupunta rin siya doon "sa panahong buo na ang isip ko".

Bago tumuloy sa paglalakad sa gawing batis, sinalubong ang pangkat nila ng maliliit na bahay na naiilawan ng mga mukha ng taong lagi niyang isinisigaw sa kalsada ng lungsod "karapatan ng mamamayan, ipaglaban".

Saka sila inihatid nito sa tutuluyan nilang mga kubo sa itaas, kaya ang naging daan nila ay sa gawi ng batis. Mabato, abot tuhod niya ang taas ng tubig, madilim at kuliglig lang ang maririnig na sumasabay sa lagaslas ng tubig. Pagdating sa dulo ay matatarik na akyatan at madulas; habang tumatagal ay pahirap nang pahirap ang daraanan. Biro na lang ni Red sa sarili, "mas masklap pa rin iwan ka sa walang kadahilanan."

Pagdating sa pupuntahan ay sinalubong sila ng dinuguan na noon niya lang natikman ang timpla. Kasama sila ng mga naunang sumalubong, nakikita niya na malayo man ang pagitan ng mga kubo sa bundok ay buo ang kani-kanilang ugnayan. Ito ang sandaling napapatunayan ni Red ang mga ilang ulit niya nang napag-aralan at itinuturo sa mga educational discussions. Sabi nga sa isang aralin, "ang lakas ng pakikibaka ay mula sa masa."

Matapos ang pagpapahinga, tumuloy na sila sa tutuluyang kubo para makitulog. Noon niya natikman ang kapeng tinutong na kanin, at nakipag-usap saglit sa may-ari ng bahay. Bago pumikit, inalala niya ang mga bituin sa langit na dito lamang sa lugar na ito niya nakita. Bituin na noon ay inilakip niya lang sa mga sawing tula na ginawa niya, pero ngayon, di kasawian at di paglisan ang ipinakita nito - ito ang mga larawan ng pag-asang pumapaimbabaw sa kabundukang ito, nagmumula dito ang pagbabagong hangad ng bawat isa.

Madilim pa lang ay kailangan na nilang umalis para lakarin papunta sa entero. Ganon pa rin ang sitwasyon sa paglalakad, ngunit naging mas madali. Hanggang sa matanaw na nila ang noon ay inilalarawan niya lamang sa kanyang isip, ang base ng hukbo ng bayan.

Napakasarap ng inialok na kapeng tinutong na kanin sa kanila ng mga hukbo. Tinalo nito ang starbucks ng burgis na pamantayan. Ito ang bahagi ng simpleng pamumuhay na noon ay iniisip niya lang kung paano gagawin. Masarap din ang lutong nilaga at kaldereta. Ngunit mas nakakabusog ang natunghayan niyang pagtatanghal kasama ang mga hukbo, na hindi rin pala sila iba tulad ng mamamayan na kanilang pinagsisilbihan.

Dumating ang oras na kailangan na nilang magbasta pababa ng bundok dahil sa mga hindi maiiwasang sirkumstansya. Nagpaalam sa mga kasamang hukbo, at muntik pang maluha si Red dahil sa isang kaibigan na nagpaiwan.

Gabi na nang makababa sila ng paanan. Tahimik at pagod ang lahat sa biyahe. Pero tumatakbo pa rin ang isip ni Red sa mga pangyayari at karanasang hindi niya malilimutan dahil alam niyang masusundan pa ito.

--------
Pagsampa sa bus, binibilang ng mga tao sa loob ng bus ang oras na pumapatak sa pagbabago ng taon. Nagpapahinga ang katawan ni Red pero abala siya sa paglalagom ng mga araw nagdaan sa buong taon.

Marami pa siyang dadanasin at matututuhan. Isang yugto ang nagdaang taon para humakbang pasulong sa mga susunod pang taon. Para siyang nasa isang bahagi ng blackhole: umuusad ang panahon sa napakabilis na pagbilang relatibo sa kanyang ginagalawang espasyo kasama ang buo niyang pagkatao.

Pagbaba niya ng bus, tinapos niya na rin ang pag-iisip. Bagong taon na, at nananatili pa ring malakolonyal at malapyudal ang lipunan. Kaya naisip niya, masyadong mabilis ang humangos na bus kaysa pagbabago ng lipunan, ano pa nga ba ang dapat gawin ngayong bagong simula ng taon?



Mga Komento

Kilalang Mga Post