IBABAD MAN SA SURF ANG TELANG PUTI
Maglalaba na naman ako;
Ngunit itong puting tela
Ay di matatabunan
Ng ‘sandamukal na labahin kagabi
At sa susunod pang mga araw.
Marungis, magusot, nanunuot ang amoy
Ng lihim ng kagabi
At tinataglay ang mantsang
Nagngangalit sa pula.
Buti na lang at sa saglit na paglalaba
Ay mabubura ko ang mantsang
Dadalhin ng buo kong pagkatao.
1. 1. Tunawin
ang isang pakete ng galit at ibabad sa isang batyang pagtitimpi.
2. 2. Ibabad
sa mahabang panahon ang isip sa pagtatrabaho. Pagkatapos ay kalimutan ang
nangyari. Hanguin ang sarili at isipin ang kapakanan ng pamilya. Banlawan ang
kaisipan dahil walang mangyayari sa pagsusumbong mo.
3. 3. Pagkatapos
matuyo ang nangyari sa alaala, malinis at presko na ang isipan mo!
Ganito sana kadaling
Tunawin ang tumigas na mantsa
Ibabad ang sarili upang humiwalay
Ang nanuot niyang laman
Na nagdulot ng luha
At amoy ng katawang naikaskas
Dulot ng aking pagpupumiglas.
At kapag hinango
Ay manumbalik sana
Ang dati kong puting dignidad
Na walang nakasusulasok, nakadidiri
At nakahihiyang mantsa.
“Pinalaki nang
pinalaki”
– ng paglalabang
ito
Ang lamat sa aking dignidad.
“pinakamalaki “
– ang pagtitimpi ko
Sa lahat ng pagtitimping meron kayo
Sa hustisyang pang-iilan lamang.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento