Mga Dagliang Realisasyon

MABIGAT NA TIMBANG

Sa pagtimbang ng mga bagay, mas magaling ka kesa sa kin. Pero ang timbangan ay di lang isang daan - ito ay napagkakasunduan. Dito ko napagtantong madaya ang timbangan mo. Kahit may mas mabigat pa o mas magaan sa atin, yun lamang ang konkretong dahilan kung bakit mutual ang pagtitimbang. Talagang may lilitaw na mas mabigat, merong mas magaan.

Nadaya ako sa timabangan mo. Nauna kang nagpatimbang kahit walang kasama; tuloy, mas nakita mong mas matimbang ang sarili. Kaya nung ako naman ang tinimbang mo nang wala ka, nakita mong matimbang ako kahit na mag-isa - natimbang mo akong kaya kong mag-isa.


Hayaan mo, patutunayan kong nadaya mo ko sa timbangan mo sa paraang ikaw rin ang makakatimbang sa sarili mo.


SELFIE REALIZATION

Habang tumatagal, habang tumataba ako, lumalaki rin ang bilog kong mukha.

Habang tumatagal, dumarami din ang selfie natin.

Ngunit dahil sabay nagaganap ang dalawang sitwasyon, hindi na tayo nagkakasya sa frame na sakop ng camera.

Dahil hindi naman ako mahilig magselfie, nagdesisyon kang maging literal na mag-isa sa isang selfie photo.

P.S. Iniisip ko na lang, isang malawak na kambas ang mundo, hindi relatibo sa nakikita lamang ng tao. Katunayan, tinatapyas ng camera ang malaking kambas na ito. Marahil, kailangan ko ring tandaan na malawak ang kambas ko, hindi lang sa mga tinapyas na kambas ng relatibong espasyong meron tayo noon.


MGA TALAARAWAN SA BACACAY

DALAMPASIGAN AT PAG-IISA

mas lalo kong nadama ang kahalagahan ng pag-iisa; ngayon ko lang ulit naramdaman ang pagiging kompleto sa pag-iisa. Hindi lahat ng pagpapalaot ng mga taong pinatuloy mo sa iyong dalampasigan ay kailangan mong araw-araw na tanawin ang pagbabalik. Walang mag-isang pumalaot na naghangad bumalik sa yong isla. Sapat na ang pananatiling inalay nila sa tabi ng kubo mo.

Mas mahalagang maramdaman mo ulit na ang pag-iisa sa iyong buhanginan ay isang kasiyahan - maraming alon ang paririrto't paroroon na maaaring may dalang bagyo o may dalang katiwasayan.


BUHANGIN AT PANAHON

bilang na bilang na ang oras ng pagkapit sa mapanakit na alaala - tulad ng buhanging nauubos sa pahigpit na pahigpit na pagkuyom ng palad sa mga ito.

isang araw, mawawala rin ang buhangin sa palad at kusang isasaboy sa pumapalaot na alon ng dagat.


PAGTANGIS AT ANG MATER DOLOROSA

Sa pagtulog gabi-gabi, kalimitan na ito ang oras ng pagninilay-nilay at pagpupurga ng kinimkim na kalungkutan sa maghapong pakikipagbuno sa kontradiksyon sa iba't ibang aspekto ng buhay.

At dito sa mahabang upuang kahoy na tinutulugan ko,,katabi ko lagi ang imahen ng Mater Dolorosa. Tumatangis ang estatwang gawa sa garing (noon lang yata ayon sa lola) at nakikisabay sa pagtangis ko sa loob. Hindi naman agad-agad maitatapon ang alaalang binitbit sa apat na taon, pero kayang hugasan ang sugat ng pagtangis.

Tanda ito ng pagbibigay-katanungan sa lahat ng di maunawang kawalang kadahilanan. Walang mawawala sa pagtangis, kundi ang bigat na dinadala.

Ang Mater Dolorosa, sa bugtong na anak na pinagpasakitan sa krus at namatay. Ako, sa lahat ng mapanghabol na pagkakataong nangangahas magmaakaawa sa pag-alis na nilinaw sa punto ng wala nang magbabalik. Parehong ang pagtangis ay dulot ng pagkawalay sa minamahal, at ito rin ang pumupuno sa pag-iisang kailangan nang mag-isang bunuin.

MGA NADISKUBRE SA DAAN PA-PILI
daming hidden enchanted stuff papili, merong nagkakarigos na diwata asin mga aki, may punong pinagluwalan, may coconut tunnel tree, may diminishinh island at may bangkang palangit.
(pakiwaring bansag ko ito sa mga maliliit na bagay na hindi maitatatwang may kaugnayan sa kabuuan ng Pili, Bacacay.)

AGAM-AGAM SA PAG-ALIS

Uuwi na ako, pero ang sinasabi ng kamalayan ko ay aalis na ako.

Ngunit sa haba ng paghinga, sa haba ng dalawang linggong pagsasaya, hindi maikakaila na kailangan mong harapin ang katotohanan - na hindi ito ang bagay na kailangang gawing tahanan.

Bawat kilos ko sa araw na ito ng pag-alis, patago akong tumatangis, lalo na sa pagligo, sa panonood ng Love You to the Stars and Back, at sa paglingon kay Lola na sigurado akong naluluha rin.

Kailangan. Kailangan ko nang umalis at harapin ang tungkulin - ang naunsiyaming pagtugon sa tungkulin, sa pagkilos.

Mga Komento

Kilalang Mga Post